Lungsod ng Montréal
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
- Para sa mga ibang pook ng magkagayang pangalan, tingnan ang Montreal.
Ang Montréal ang pangalawang pinakamalaking lungsod sa Canada at ang pinakamalaking lungsod sa lalawigan ng Québec. Ito ang sentrong Francophone ng Hilagang Amerika. Ayon sa sensus ng 2001, may populasyon ito ng 1 583 590, habang nagtataglay naman ang Kalakhang Montréal ng populasyon ng 3 635 700 (2005), ginagawa itong isa sa mga pinakamalaking kalakhang Francophone sa daigdig. Ipinapalagay ito bilang pang-15 pinakamalaking kalakhan sa Hilagang Amerika ([1] at [2]) at pang-77 sa daigdig. Noong 2006, kinilalang ng Traveler’s Digest at AskMen.com ang Montréal bilang ang nangungunang lungsod sa buong daigdig para manirahan, dala ng kultura, arkitektura, kasaysayan, at ambience nito. Ang Montréal din ang pang-25 pinakamayamang lungsod sa daigdig at ang pang-37 pinakamagastos na lungsod para manirahan sa balat ng lupa ([3] at [4]). Tinawag din itong pinakamagandang lungsod sa daigdig para sa pagbukas at pamamalakad ng negosyo, pinapangalawahan ng Melbourne at pinangangatluhan ng Toronto.
Nakatayo ang Montréal sa timog-kanlurang sulok ng lalawigan ng Québec, mahigit-kumulang 270 km ang layo mula sa Lungsod ng Québec, ang kabisera panlalawigan, 190 km mula sa Ottawa, ang kabisera ng bansa, at 539 km naman mula sa Toronto. Matatagpuan ang lungsod sa Pulo ng Montréal sa kung saan nagtatagpo ang mga ilog ng San Lorenzo at Ottawa; ang daungan ng Montréal ay nasa isang dulo ng Bambang ng San Lorenzo. Hinahanggan ang Montréal ng Ilog San Lorenzo sa timugang gilid, at ng Rivière des Prairies sa hilaga.