Conching Rosal
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Si Conching Rosal ay ipinanganak sa San Jose, Batangas noong 1926. Nagpasimula siyang umawit ng solo noong siya'y anim na taong gulang pa lamang sa kanilang parokyang simbahan ng San Jose. Nag-aral siya ng pag-awit sa UST Conservatory of Music at doon niya naging kamag-aral at kaibigan si Sylvia La Torre.
Ipinagpatuloy niya sa Amerika ang pag-aaral sa pag-awit sa ilalim ni Dean Varchines, tanyag na tagapagturo sa mga mang-aawit ng Metropolitan Opera at New York Opera. Noong 1952 ay tinanggap niya ang karangalan at gantimpala buhat sa Elizalde Hour Talent Search. Nagsimula ang kanyang katanyagan bilang coloratura soprano sa pag-awit niya sa Operang 'Carmen'.
Si Conching Rosal ay isa sa mga dakilang soprano ng bansang Pilipinas na namayagpag sa loob ng tatlumpong taon. Ilan sa di malilimutang pag-ganap niya sa Teatro sa Pilipinas ay ang Operang 'Madame Butterly', 1967, ang 'Aida' at ang pag ganap niya bilang pangunahing aktres sa Zarzwela na 'Ang Kiri'. Pumanaw siya noong 1985 sa sakit na Cancer.
Maalala si Conching Rosal sa kanyang makabagbag damdaming pag-awit ng mga Kundiman tulad ng Huling Awit, Kundiman ng Luha, Ibong Sawi, Pakiusap, Alin Mang Lahi, Sa Iyo Inay, Hatinggabi, Mutya ng Pasig at marami pang iba na isinaplaka ng Villar Records . Ang kanyang boses soprano ay ginamit rin bilang Ibong Adarna na umaawit para makatulog ang sinumang makarinig noong 1972 para sa pelikulang Ang Hiwaga ng Ibong Adarna sa ilalim ng Roda Film Productions.
[baguhin] Mga awitin
- Ang "Ay Kalisud" ay isang awiting Pilipino na isinaplaka ni Conching Rosal subalit nauna ng maging tanyag noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inawit rin ni Sylvia La Torre noong dekada 50s. Isinaplaka ng Villar Records na may numerong VCD-5147 na nakapaloob sa album na may pamagat na Kundiman. Muling Inawit ni Nora Aunor noong 1972 sa ilalim ng Alpha Records sa ilalim ng album na Mga Awiting Filipino.