Unang Republika ng Pilipinas
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Unang Republika ng Pilipinas (opisyal na tinawag na Repúblika Filipina, Ingles: Philippine Republic) ay ang pamahalaan ng Pilipinas na itinatag kasabay ng proklamasyon ng Konstitusyon ng Malolos noong Enero 23, 1899 sa Malolos, Bulacan hanggang sa pagdakip at pagsuko ni Emilio Aguinaldo, ang Pangulo ng republika, sa mga sundalong Amerikano noong Marso 23, 1901 sa Palanan, Isabela, na nagtapos sa Unang Republika. Ito ang unang republikang itinatag sa Asya ng mga Asyano.
Ang pagtatatag ng Republika ng Pilipinas ang naging pinakamahalagang pangyayari sa rebolusyon ng mga Pilipino laban sa pamamahala ng mga Espanyol. Ipinahayag ang kalayaan noong Hunyo 12, 1898 at ang pamahalaang diktatoryal na umiiral noon ay pinalitan ng pamahalaang rebolusyonaryo na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo bilang pangulo noong Hunyo 23, 1898.
Nagkaroon ang republikang ito ng Kongresong nagsilbing tagapayo ni Aguinaldo.
[baguhin] Kasaysayan
Maraming mga uri ng pamahalaan ang ginamit ng mga rebolusyonaryo. Itinatag ni Emilio Aguinaldo ang pamahalaan sa Biak-na-Bato noong 1897 na nagpatapon sa mga pinuno ng himagsikan sa Hong Kong. Nang bumalik sila sa Pilipinas, itinatag niya ang pamahalaang diktatoryal upang ipawalang-bisa ang pamahalaan sa Biak-na-Bato. Pinalitan ang pamahalaan diktatoryal ng pamahalaang rebolusyonaryo noong Hunyo 23, 1898. Matapos mapagtibay ang Constitución política de la República Filipina noong Enero 21, 1899, itinatag ang republika noong Enero 23 na pinamunuan ni Aguinaldo.
Ang republika ay naging kaalyado ng Estados Unidos laban sa mga Espanyol, ngunit naging malinaw ang naging hangarin nito na makuha ang Pilipinas. Tumaas ang tensyon ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano hanggang sa sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong Pebrero 4, 1899. Nang makuha ng mga Amerikano ang Malolos, lumikas si Aguinaldo patungo sa Hilagang Luzon. Binuwag niya ang sandatahang lakas at umasa sa pakikipaglaban ng mga gerilya. Nadakip si Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong Marso 23, 1901 ng mga Amerikanong sundalo na pinamunuan ni Heneral Frederick Funston. Nanumpa si Aguinaldo ng katapatan noong Abril 1, at tuluyang nagwakas ang unang republika. Ngunit matapos ang pagbagsak ng republika, marami pa rin ang nakipaglaban para sa kalayaan.
[baguhin] Gabinete
OFFICE | NAME | |
Pangulo | Emilio Aguinaldo | |
Punong Ministro | Apolinario Mabini | |
Pedro Paterno | ||
Ministro ng Ugnayang Panlabas | Apolinario Mabini | |
Felipe Buencamino | ||
Ministro ng Pananalapi at Digmaan | Hen. Mariano Trías | |
Ministro ng Interyor | Teodoro Sandico | |
Severino de las Alas | ||
Ministro ng Digmaan | Baldomero Aguinaldo | |
Ministro ng Kagalingan | Gracio Gonzaga | |
Ministro ng Agrikultura, Industriya at Pangangalakal | León María Guerrero | |
Ministro ng Pananalapi | Hugo Ilagan | |
Ministro ng Pampublikong Instruksyon | Águedo Velarde | |
Ministro ng Pagawaing Bayan at Komunikasyon | Máximo Paterno |