Metapisika
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Isang sangay ng pilosopiya ang Metapisika, at may kaugnayan ito sa mga agham-pangkalikasan, tulad ng pisika, sikolohiya at ang biyolohiya ng utak; at sa mistisismo, relihiyon at mga paksang espirituwal. Napakahirap tukuyin ang kahulugan ng metapisika, ngunit bilang pagpapakilala ng paksang ito sa mga di-pilosopo, maaari nating sabihin na pag-aaral ito tungkol sa mga pinakabuod at pinagbabatayang mga kaisipan at paniniwala tungkol sa pinakapuso ng kalikasan ng tunay na nandito at umiiral, na nagsisilbi namang pinakasahig ng iba pang mga kaisipan at paniniwala -- tulad ng pagmemeron, pag-iral, pangsanlahat, kakanyahan, kaugnayan, kasanhian, kalunanan, kapanahunan, pangyayari at maraming iba pa.
Isang dahilan na nakakapagpahirap sa pagpapaliwanag kung ano ang metapisika ang napakalaking pagbabago na pinagdaanan ng sangay na ito mula nang pangalanan ng mga patnugot ni Aristoteles ang sangay ng ito maraming daantaon na ang nakakalipas. Maraming problemang hindi dati-rating ibinibilang na pangmetapisika ang naidagdag sa metapisika. Meron namang dating itinuturing na mga problemang pangmetapisika ang nakaugalian nang ilipat sa ibang nakahiwalay na sangay ng pilosopiya, tulad ng pilosopiya ng relihiyon, pilosopiya ng pag-iisip, pilosopiya ng pagdama, pilosopiya ng wika at pilosopiya ng agham. Napakahabang oras ang maaaksaya kung babanggitin ang lahat ng problemang tinataglay, o dati-rating naging bahagi, ng metapisika.
Ang maaari nating tawagin na "pinakasentrong" mga problema sa metapisika ay ang mga problemang lagi nang itinuturing na pangmetapisika at di-kailanman itinuring na di-pangmetapisika. May pagkakahawig ang mga problemang pangmetapisika sa mga ibinibilang na mga problema ng ontolohiya, "ang agham ng pag-iral sa katalagahan ng pag-iral" (basahin ang ontolohiya).
Iba naman ang pakiwari ng ibang mga tradisyon ng pilosopiya tungkol sa mga problemang pangmetapisika kumpara sa tradisyon ng pilosopiya sa Kanluran; tulad ng Taoismo at iba pang Pilosopiya sa Silangan na hindi sumasang-ayon sa mga pangunahing simulain ng metapisika ni Aristoteles, na naging bahagi na at di-tinututulan sa pilosopiya sa Kanluran, bagaman merong ilan sa Kanluran na may ibang pananaw sa metapisika tulad ni Georg Wilhelm Friedrich Hegel sa kanyang Agham ng Lohika.
Mga nilalaman |
[baguhin] Pinagmulan ng salitang 'metapisika'
Nagsulat ng maraming aklat ang sinaunang pilosopong Griego na si Aristoteles na tinipon at pinangalanang Pisika. Sa nauna nitong edisyon, iniayos ang mga sinulat ni Aristoteles ayon sa paksa; at may pangkat ng aklat na inilagay kasunod ng pisika. Tinatalakay ng mga aklat na ito ang pangunahin at pangsaligang bahagi ng pagsasaliksik ng pilosopiya na hindi pa noon napapangalanan. Kaya tinawag ng mga sinaunang dalubhasa na maka-Aristoteles ang mga aklat na ito na τὰ μετὰ τὰ φυσικά, "ta meta ta physika", na nangangahulugang "ang (mga aklat na inilagay) kasunod ng (mga aklat sa) pisika." Kaya, ito ang pinagmulan ng salitang 'metapisika' (sa Griego, μεταφυσικά).
Kaya sa pagsusuri ng salitang-ugat, metapisika ang paksa ng mga aklat ni Aristoteles, na sama-samang pinangalanan na metapisika. 'Paksa ng metapisika ni Aristoteles' ang pang-etimolohiyang kahulugan ng metapisika.
Nahahati ang metapisika sa tatlong bahagi, na itinuturing ngayon na mga tradisyunal na sangay ng Kanluraning metapisika; ito ang (1) ontolohiya, (2) teolohiya ni Aristoteles at (3) agham na pangsanlahat. Meron ding mas maigsing mga sulatin na iba ang tinatalakay, tulad ng talasalitaang pampilosopiya, na sinisikap ipaliwanag ang pilosopiya sa mas malawak nitong kahulugan, at mga sipi mula sa pisika na tuwirang kinopya ang mga salita.
- Ontolohiya ang pag-aaral ng pagmemeron, pag-iral; may tradisyunal itong pakahulugan na "ang agham ng pag-iral sa katalagahan ng pag-iral"
- Teolohiya, nangangahulugan ito dito na pag-aaral tungkol sa Diyos o sa 'mga diyos' at ang mga tanong tungkol sa mga bagay na makadiyos.
- Agham na pangsanlahat ang pag-aaral na dapat tumalakay sa mga pangunahing simulain ni Aristoteles, na pinagbabatayan ng iba pang pagsasaliksik, tulad ng simulain tungkol sa batas ng kawalang-kontradiksyon: Hindi maaaring umiral ang isang bagay at sa parehong kaparaanan ay sabay itong hindi umiral. Hindi puwedeng sabay na merong santol at walang santol. Hindi rin puwede na kulay asul ang lahat at kasabay naman na kulay pula ang lahat. Tinatalakay ng "Agham na Pangsanlahat" o "Unang Pilosopiya" ang pag-iral sa katalagahan ng pag-iral —- na ibig sabihin, ano ang pinagbabatayan ng lahat ng agham (pag-aaral), bago pa idagdag ang mga sari-saring kaalaman ng anumang agham. Kabilang dito ang kasanhian, kaibuturan, katangian at taglay na sangkap ng mga bagay.
[baguhin] Mga Halimbawa
Minsan, napakahirap unawain maging ang mismong paksa ng metapisika. Maaari sigurong makatulong ang pagbibigay ng maituturing natin na mga payak na halimbawa bilang pambungad sa mga problema ng metapisika.
Ilarawan natin sa ating isipan na nasa loob tayo ng isang silid, at merong hapag sa gitna ng silid, at sa gitna ng hapag, merong malaki, sariwa, masarap at hinog na santol. Maaari tayong magbigay ng maraming tanong na pangmetapisika tungkol sa santol. Sana, makatulong ito upang maunawaan natin kung ano ang metapisika.
Magandang halimbawa ng isang pisikal na bagay ang isang santol: puwede itong damputin, ihagis, kainin at iba pa. Meron itong pook (kalunanan) at oras (kapanahunan) na kinalalagyan at may mga taglay itong katangian (kulay, timbang, hugis, at iba pa). Kung itatanong natin, ano ba ang mga pisikal na bagay? Parang hindi masasagot ang ganitong uri ng tanong. Paano at ano ang gagamitin natin upang ipaliwanag kung ano ang mga pisikal na bagay? Ngunit pinagsisikapan ng mga pilosopo na masagot ang ganitong uri ng mga tanong sa malawakang pamamaraan. Itinatanong nila: kung pinagsama-samang katangian ba ang mga pisikal na bagay? O mga kaibuturan ba ito na merong mga ganoong katangian? Na maaari nating tawagin na problema ng kaibuturan o pagkabagay.
Narito ang isa pang uri ng tanong. Sinasabi natin na may katangian ang santol, tulad ng pagiging malaki, pagiging sariwa, pagiging masarap at pagiging hinog. Paano ba ang pagkakaiba ng katangian sa iba't ibang mga bagay? Pansinin na sinasabi nating may katangian ang mga bagay tulad ng santol. Ngunit magkaiba ang pagkasantol at ang pagkahinog. Maaari nating kunin ang santol, ngunit hindi nating maaaaring makuha ang pagkahinog. Maaari lamang tayong makakuha ng pagkahinog kapag nakalapat ang katangiang ito sa isang prutas. Ngunit pansinin na iba pa rin ang pagkahinog ng mangga sa pagkahinog ng isang santol o pagkahinog ng isang pinya. Kaya, paano na ba natin uunawain kung ano ang "katangian"? Ito ang problema ng pangsanlahat.
Narito ang isa pang tanong tungkol sa kung ano ang mga pisikal na bagay: kailan natin masasabi sa pangkalahatan na pumasok na papunta sa pag-iral ang mga pisikal na bagay at kailan natatapos ang pag-iral nito? Tiyak natin na maaaaring magbago ang isang santol pero nandito pa rin ito; hindi ito nawawala. Maaari itong mangitim at mabulok, ngunit santol pa rin ito. Hindi maaaring maging bayabas ang isang santol. Ngunit kapag kinain ang santol, hindi lamang ito nagbago, tultuyan na rin itong nawala. Ang mismong pagkasantol nito ang natapos. Kaya bahagi ng pag-aaral ng metapisika ang mga tanong tungkol sa kakanyahan (identity), ang pananatili ng isang bagay sa kanyang pag-iral sa loob ng kanyang kapanahunan, hanggang sa sumailalim ito sa pagbabago, at kalaunan, ang mismong pagkawala (nothingness) nito.
Umiiral ang isang santol sa isang kalunanan (nakalagay ito sa isang hapag sa gitna ng isang silid) at sa isang kapanahunan {nakalagay ito ngayon; hindi ito nakalagay noong isang linggo at wala na ito sa susunod na sanglinggo). Ngunit paano nga ba uunawain ang kalunanan (space) at kapanahunan (time)? Bilang halimbawa, maaari ba nating sabihin na isang di-nakikitang koneksyon ng mga linya sa tatlong kasukatan (dimensyon) ang kalunanan, na kinalalagyan ng santol at iba pang mga pisikal na bagay? Kung halimbawang alisin natin ang santol at iba pang mga pisikal na bagay sa pag-iral: mananatili ba sa pag-iral ang kalunanan? May ibang nagsasabi na "hindi", na sa kawalan ng mga pisikal na bagay, naglalaho rin ang kalunanan, dahil balangkas lamang ito kung paano natin inuunawa ang kaugnayan ng mga pisikal na bagay. Marami pang ibang tanong na pangmetapisika na maiuugnay sa kalunanan at kapanahunan.
Meron pang kakaibang mga tanong sa metapisika. Isang uri ng bagay ang santol; kung nasa silid din si Maria, at sinasabi nating may isip si Maria, tiyak na sasabihin nating iba ang pag-iral ng isip ni Maria sa pag-iral ng santol. Maaari nating sabihin na di-materyal ang isip ni Maria, samantalang materyal na bagay naman ang santol. Hindi rin yata tama na sabihing nasa isa lamang pook ang isip ni Maria, dahil hindi natin maaaring ikulong sa isang silid ang kanyang isip. Ngunit may tiyak at tukoy na kinalalagyan ang santol (sa ibabaw ng hapag na nasa gitna ng silid). Ngayon, paano naman nating ipapakita ang kaugnayan ng isang kalagayang-pangkaisipan, tulad ng pagpapasyang kumain, sa isang pisikal na pangyayari, ang mismong pagkain ng santol? Paano ang ugnayan ng kasanhian sa pagitan ng isip at katawan kung talagang magkaiba ang mga ito? Ito ang suliranin ng isip-katawan na nakaugalian na ngayong ilipat sa nakakababang sangay ng pilosopiya, na tinatawag na pilosopiya ng pag-iisip. Ngunit may ibang pilosopo na nagtuturing na bahagi ng metapisika ang suliranin ng isip-katawan.
Ang nabanggit sa itaas ang mga halimbawa ng mga problemang pangmetapisika. Marami pang ibang mga problema na tinatalakay sa metapisika.
[baguhin] Mga Nakakababang Sangay ng Metapisika
May mga sangay na ibinibilang ngayon o tradisyunal na ibinibilang na mga sangay ng metapisika:
- Ontolohiya
- Pilosopiya ng relihiyon
- Pilosopiya ng pag-iisip
- Pilosopiya ng pagdama
[baguhin] Mga Paksa at Problema sa Metapisika
- Kakanyahan
- Pagbabago
[baguhin] Mga Teknikal na Salita sa Metapisika
- abstrakto -- kongkreto -- pag-iral -- pagmemeron -- kaurian ng pag-iral -- at iba pa!
[baguhin] Basahin din
Matatagpuan sa seksyong ito ang iba pang may kaugnayang mga sulatin. (Patuloy na madaragdagan)
[baguhin] Nakaturo sa Panlabas
- Roque J. Ferriols, S.J., Sapagkat ang Pilosopiya ay Ginagawa
- Roque J. Ferriols, S.J., Pambungad sa Kursong Pilosopiya
- Metaphysics 1 and Metaphysics 2, Pambungad sa Metapisika ni Paul Newall, para sa mga baguhan.
- Ontolohiya. Isang gabay para sa mga pilosopo
- Salin ni W. D. Ross
- Salin ni Hugh Tredennick (HTML at Perseus)
- Metapisika ni Aristoteles sa Stanford Encyclopedia of Philosophy
- Stefan Amsterdamski, Between Experience and Metaphysics. Boston Studies in the Philosophy of Science 35. Dordrecht--Boston, Reidel, 1975.
- The Ideal Made Real or Applied Metaphysics For Beginners ni Christian D. Larson
- Ways of Seeing: A common sense exploration of modern metaphysics.